Back to article list

September 18, 2013

VIRGILIO ALMARIO

NAIS KONG IPAGPAUNA, ang sumusunod ay isang personal kong pagbása sa naganap na mga negatibong reaksiyon laban sa kapasiyahan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na isulong ang paggamit ng “Filipinas” kapalit ng “Pilipinas.” Apat ang nakakaengkuwentro kong uri ng salungat hábang sinusulat ko ito. Ipagpatawad na maaaring sa aking paglagom sa mga lumabas na salungat na opinyon ay hindi ko mabanggit ang nakaligtas sa aking pagsubaybay sa social media at sa mga nalathala at nabrodkast sa mass media. Ngunit hindi ko rin kailangang banggitin man lamang ang mga nang-aasar at nakikisawsaw nang hindi naman natutunghayan ang nilalaman ng naging kontrobersiyal na kapasiyahan ng KWF.

Pinakamasigasig at pinakamabilis nagpalabas ng salungat na opinyon ang pangkat na tatawagin kong “kaibigan ni Rio.” Kahanga-kahanga ang kanilang konsistensi sa pagsasapubliko ng kanilang angas laban sa anumang gawin ko. Gayunman, nais kong magpasalamat sa kanila dahil natututo akong higit na magsumikap upang makaigpaw sa nibel at uri ng kanilang pag-iisip. Ipinagpapasalamat ko rin ang maagap at aktibo niláng pagkakalat ng kanilang angas sa social media dahil napansin ng madla ang kapasiyahan, napag-usapan, at, ang hindi nilá sinasadyang kaugnay na benepisyo para sa KWF ay, nakilála ng madla ang aming Komisyon. Napakaganda rin ang pagkakataón na uminit ang balitaktakan nitóng Hulyo 2013 sapagkat naging malaking promosyon para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto 2013.

Ikinalulungkot kong sa kabilâ ng pagsisikap ng KWF na sumagot sa mga ikinalat niláng isyu ay hindi naghinto ang mga “kaibigan ni Rio” at patuloy na naghahanap ng bútas sa aming pangangatwiran. Ano ba ang dapat asahan sa kanila? Hindi ko hinihintay na mabigyan nilá ng kahit kaprasitong pagpapahalaga ang anumang pagsuspetsahan niláng nilikha ko. Tinawag na nilá akong tuta, diktador, Tagalista, konserbatibo, nativista, esensiyalista, at ngayon, nais pa yata niláng ipaturing akong pekeng historyador at anarkista. Ikinalulungkot kong de-kahon siláng mag-isip. Bilang mga “kaibigan ni Rio,” dapat niláng isumpa at ipangalandakang mali, lihis sa pangangailangan ng bayan, kulang sa pag-aaral ng kasaysayan, labag sa Konstitusyon, atbp, ang kapasiyahan dahil nagmula sa KWF sa ilalim ng aking pamumunò.

Kasunod ng mga “kaibigan ni Rio” ang mga manunulat, editor, at pabliser na may mga teksbuk at sangguniang kasalukuyang ginagamit sa mga paaralan. Tiyak na “Pilipinas” ang anyo ng ispeling ng ating bansa sa kanilang mga aklat. Sa gayon, dapat lámang siláng asahan na magpahayag ng tigatig. Para sa kanila, malaking gastos ang pagpapalit ng ispeling ng “Pilipinas.” Hindi nilá iyon sinasabi nang tahas, ngunit nakakabit ito sa argumento nilá na magastos ang pagpapalit tungo sa “Filipinas” sa nakalimbag sa mga salapi, letterhead, karatula, atbpang nakalimbag ngayon sa “Pilipinas.”

Ngunit hindi nilá binásang mabuti ang kapasiyahan ng KWF. Nakasaad doon na unti-unti ang implementasyon ng pagpapalit. Hindi sapilitan. Hinihimok lámang ng KWF ang lahat na simula ngayon, ang anumang proyektong may pangalan ng bansa ay gumamit ng anyong “Filipinas.” Maaaring panatilihin ang ispeling ng “Pilipinas” sa mga letterhead, karatula, o salapi hanggang sa pagkakataóng maaari nang isagawa ang pagbabago. Hanggang doon lámang ang aming kampanya. Ang hinggil sa opisyal na pangalan ng bansa alinsunod sa batas ay maaari at kailangang baguhin sa pamamagitan ng isang angkop na bagong batas hinggil sa pagbabago.

Hinggil sa mga teksbuk, at sa ikapapayapa ng mga pabliser, maaaring isagawa ang pagbabago kapag naubos na ang kasalukuyang edisyon o nangangailangan na ng bagong edisyon. Tulad ng mga “kaibigan ni Rio” ay medyo makasarili ang ugat ng kanilang pagsalungat. Kayâ marahil, ang higit kong dapat mahalagahin at linawin ay ang mga simulaing ugat ng pagsalungat mula sa dalawang sumusunod na pangkat.

Unang pangkat, ang mga Tagalista/Pilipinista. Kapanalig nilá ako noon, lalo na noong magtatapos ang dekada 60 na niyayanig ng mga kontra-Pilipino ang Surian ng Wikang Pambansa. Naniwala ako, tulad nilá, na marami sa mga nagpetisyon laban sa “Pilipino” bilang wikang pambansa noong magtatapos ang dekada 60 ay mga rehiyonalista o Inglesero kung hindi man may personal na motibong pampolitika laban sa pamunuan ng Surian. Ngunit hindi man aminin ng mga Tagalista/Pilipinista ay natálo na silá sa 1973 Konstitusyon nang imungkahi ang pagbuo ng isang wikang pambansang tinawag na “Filipino.”

Ang malungkot, hindi nilá inunawa ang akusasyon na Tagalog lámang ang “Pilipino.” Lalo na’y hindi nilá isinaloob ang diwa ng 1987 Konstitusyon kung paano pauunlarin at payayamin ang Filipino bilang wikang pambansa at batay sa mga wikang katutubo ng bansa. Gayunman, sapagkat mga Tagalista/Pilipinista ang nagpatuloy na namumunò  kahit sa bagong Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) noong 1987 at hanggang sa Komisyon sa Wikang Filipino nitóng 1991, hindi naasikaso nang dibdiban ang paglalahok ng mga wikang katutubo sa pagsusúlong ng Filipino.

Ang totoo, marami sa mga Tagalista/Pilipinista ang hindi kumikilála sa pangalang “Filipino” ng wikang pambansa. Patuloy na ginagamit nilá sa pagsulat ang pangalang “Pilipino” at, kung maaari, ang “Tagalog.” Kaugnay ng ganitong prehuwisyo, ikinatutuwa niláng hindi nagbago ang tawag na “Pilipino” sa tao at kultura ng bansa at sa tawag na “Pilipinas” sa ating bansa sa kabilâ ng pangalang “Filipino” ng wikang pambansa. Ergo, salungat na salungat sa kanilang pananalig ang kapasiyahan ngayon ng KWF.

Nais ko ring ihanay sa pangkat ng mga Tagalista/Pilipinista ang mga umaayaw sa “Filipino” dahil sa paniwala nilá na hindi dapat makialam ang gobyerno sa wikang pambansa. Kailangang pabayaan, anilá, ang taumbayan na magpasiya kung ano ang gusto niláng wikang pambansa. Mas gusto nilá ang “Pilipino” dahil naging ebolusyon lámang ng “Tagalog” na bahagi ng pinagtibay ng sambayanan sa plebisito para sa 1935 Konstitusyon. Samantala, ayaw nilá ang “Filipino” dahil iniatas lámang na pangalan ng 1972 Kumbensiyong Konstitusyonal at hindi mula sa bayan. Lubha siláng idealista, palagay ko, ngunit iginagálang ko ang kanilang tindig.

Ikalawang pangkat, ang ating mga historyador na nagturing sa “Pilipinas” bilang isang makabansang simbolo sa pagsubaybay sa kasaysayan ng ating bansa. Sa kanilang pagbása ng kasaysayan, dahil ang “Filipinas” ay pangalang ibinigay ng mga mananakop, taglay nitó ang lahat ng masamâng alaala ng kolonyalismong Espanyol. Sa gayon, para sa kanila, ang isinagawang pagpapalaganap ng “Pilipinas”  nitóng ika-20 siglo ay bahagi ng patuloy na kilusang kontra-kolonyal mula sa Himagsikang 1896.

(Bahagi ng kanilang hanay ang mga Pilipinista na ipinagpipilitang gumamit ng “Pilipinas” si Bonifacio. Bakit? Upang mabigyan ng mapanghimagsik at makabayang ugat ang kanilang paggamit ng “Pilipinas.”)

Isa pang paradigma ng mga historyador na ito ang pagbubukod sa ilustrado diumanong konsepto ng “nasyon” laban sa higit na katutubo at pangmasa diumanong dalumat ng “bayan.” Ang “nasyon” na mula sa hiram nanacion ng Espanyol ay simbolo diumano ng pangarap na bansa sa ilalim ng kapangyarihan ng mariwasa’t edukado. Sa kabilâng dako,  ang “bayan” ay katutubong konsepto ng pagkakaisa, ang ginamit ng Katipunan, at higit na demokratiko bukod sa hayagang laban sa interes at dominasyong banyaga. Alinsunod sa pagtinging ito, ang gumagamit ng “Filipinas,” gaya ng “Republika ng Filipinas” ni Aguinaldo, ay pangangarap ng bansang dominado ng mga Paterno, Buencamino, at ibang ilustrado sa Kongresong Malolos. Samantala, ang paggamit ng “Pilipinas” sa ika-20 siglo ay pangangarap ng kalayaan ng lahat at laban sa anumang pananakop na dayuhan.

Maganda ang kanilang makabayang pagbása sa kasaysayan, ngunit hindi sinasadyang nasasalungat ng kapasiyahan ng KWF ang mga naturang historyador.

Una sa lahat, sa pamamagitan ng kapasiyahan ng KWF ay lumilitaw na arbitraryo ang pagtuturing nilá sa “panahon ng Pilipinas” bilang pagpapatuloy sa diwaing mapanghimagsik ng Katipunan. Unang usisa, sa pamamagitan ba ng pagbago sa ispeling mula sa “Filipinas” tungo sa “Pilipinas” ay totoong nabura ang alaalang kolonyalistang taglay ng orihinal na pangalan? Nagbago ba ang kahulugan ng Felipe dahil ginawang Pelipe? Ikalawang usisa, may dokumento bang nagsasabi na ginamit nina Lope K. Santos ang “Pilipinas” bilang simbolo ng kanilang kontra-kolonyal na saloobin? Kontra-kolonyal man, hindi kayâ higit na problema nina L.K. Santos ang Amerikanisasyon noon kayâ kung sakali’y higit niláng tinutunggali ang simbolo ng “Philippines” kaysa “Filipinas”? Isang bantog na mandudula noon, si Severino Reyes, ang sumulat pa ng Filipinas para los Filipinos at mahahalata sa pamagat ang demdaming kabaligtaran ng hinahanap ng ating mga historyador. Sa panahon nina L.K. Santos itinatag ang mga sagisag kulturang ipinanlaban sa Amerikanisasyon, gaya ng barong tagalog, letson, kundiman, atbpang mga naturalisadong sangkap ng ating pambansang kultura na pamana ng panahong “Filipinas.”

Ikatlong usisa, ano ang batayan ng ipinaghihinagpis niláng malalim at makabayang “sentimyento” na niyuyurakan diumano ng pagpapagamit sa “Filipinas”? Nakabawas ba sa kabayanihan ni Rizal ang pangyayari na gumamit siyá ng “Filipinas”? Kung tutuusin, may taksil sa bayan na gaya ni Pedro Paterno na gumamit ng “Filipinas” at may kolaboreytor sa pamahalaang Hapones na gaya ni Benigno Ramos na gumamit ng “Pilipinas.”  Ang daming Amboy noon at hanggang ngayon na “Pilipinas” kung isulat ang pangalan ng kanilang bayan. Kung lalabas din silá sa Katagalugan, maaari niláng matagpuan ang dulang makabayan sa Ilonggo ni Miguela Montelibano noong mga taóng 1929 na may pamagat na Filipinas. O kayâ ang pangalang “GUMIL Filipinas” ng pinakamalaki at pinakamatandang organisasyon ng mga manunulat na Ilokano.

Kaugnay ng gayong mga usisa, higit naming nais ituring ang “Pilipinas” bilang natural na anak ng pagpapalaganap sa isang abakada na walang F sa pangunguna nina Lope K. Santos. Totoo, may malakas na progresibo at makabayang saloobin ito: mula sa panukalang repormang ortograpiko ni Rizal (na nalathala noong 1898) upang mapakinis ang pagsulat ng mga Tagalog at maiwasan ang maanomalyang pagsulat batay sa abesedaryong pinalaganap ng mga Espanyol, hanggang sa kilusan noong ika-20 na itampok ang isang wikang katutubo laban sa Ingles ng Amerikanisasyon. Ngunit nakanal ito; hindi nakausad mula sa gayong progresibong simula.

Kaugnay nitó, hindi binásang mabuti ng mga historyador ng “Pilipinas” ang naging kasaysayan ng wikang pambansa mula sa pangalang “Pilipino” tungo sa “Filipino.” Kayâ inaakala niláng “pagbabalik” sa diwaing kolonyal ang kapasiyahan ng KWF ngayon para gamitin ang “Filipinas.”  Hindi kasi nilá nasundan ang “pagsúlong” o transpormasyon ng diwang makabayan sa larangan ng wika sa panahong nililitis ng mga kontra-Surian ang “Pilipino.” Naiwan silá ng panahon. Tulad ng mga Tagalista/Pilipinista ay hindi nilá napansin o hindi nilá pinansin ang bagong makabansang saloobin sa naganap na “pagsulong” tungo sa “Filipino” ng wikang pambansa. Kung magsasaliksik ang mga historyador, kailangan lámang niláng balikan ang mga sinulat na tindig laban sa “Pilipino” nina Inocencio Ferrer, Geruncio Lacuesta, at Dr. Ernesto Constantino, at ng mga samahang pangwika sa Hiligaynon at Sebwano, at kahit sa UP, noong panahon ng pagbuo ng bagong konstitusyon noong 1972. Maaaring may ibang pansariling adyenda at politika ang mga nabanggit na kontra-“Pilipino.” Ngunit makabuluhan ngayon na bukod sa nakikita niláng limitasyon ng “abakadang Pilipino,” nais ng mga totoong tagapagtaguyod ng “Filipino” ang isang wikang pambansa na higit kaysa Tagalog.

Ang ibig sabihin, nais ng mga totoong tagapagtaguyod ng “Filipino” na “isulong” ito mula sa pagiging Tagalog lámang at aktibong ilahok ang mga makabuluhang salita at karunungang mula sa mga wikang katutubo ng bansa. Tulad ng abakadang may 20 titik, ang “Pilipino” bilang tawag sa tao at kultura at ang “Pilipinas” bilang tawag sa ating bansa ay matalik na kaugnay ng nalumang diwang makabayan sa wikang “Pilipino” na ganap na iwinaksi ng 1987 Konstitusyon. Sa gayon, ang kapasiyahan ng KWF para isulong ang “Filipinas” ay isang lohikong karugtong ng bagong makabayang espiritu sa “Filipino.” Ang “F” sa “Filipino” at “Filipinas” ay hindi pagbabalik sa isipang kolonyal. Sa halip, kinakatawan o simbolo ang “F” ng isang katutubong tunog na matatagpuan sa maraming wika ng bansa, mulang Ifugaw hanggang Blaan, at ng mithing pagkakaisa at pagsasanib ng mga pangkating katutubo at rehiyon sa buong kapuluan sa pamamagitan ng isang wikang pambansa. Nais tupdin ng KWF ang nasyonalistang pagpaparangalan ng isang blogger sa pamamagitan ng pahayag na: “Filipino ako, Filipino ang wika ko, Filipinas ang bayan ko!”

Hindi namin nais lumitaw na higit na maalam sa kasaysayan kaysa mga nasasangkot na historyador. Sa halip, nag-aanyaya ang kapasiyahan ng KWF tungo sa pagbabago ng pananaw. Ikinalulungkot namin na ang pagbabago ay mangahulugan ng hámon para sa mga Pilipinista at historyador ng “panahon ng Pilipinas” upang suriin ang kanilang tindig at, kung sakali, lumikha ng bagong paradigma para sa kanilang pagsubaybay sa kasalukuyang panahon. Nag-aalok ang KWF ng pagbabago para sa higit na maunlad at higit na maugnayin o inklusibong pagbása sa ating kasaysayan  Ang totoo, sa panig ng KWF, ang pagbabago ay nangangahulugan mismo ng pagwawasto sa aming hanay—sa pagwawasto sa mahabàng panahon ng pagpapabaya sa bagay na ito ng nagdaang mga pamunuan ng Komisyon mulang 1991. Marami sa sinasabing “nakamihasnan” sa wika ang naputol sana noon pang 1987 kung higit na pinalaya ng mga pamunuan noon ng KWF ang kanilang isip alinsunod sa progresibong diwa ng atas ng bagong Konstitusyon, na walang iba kundi ang diwa na: payamanin ang Filipino batay sa mga katutubong wika ng bansa. At ito ang aming pinananaligan. Higit kaysa anuman, nais ng ating Konstitusyon na payamanin at paunlarin ang Filipino sa pamamagitan ng mga umiiral na wika ng Filipinas upang maging totoong Wikang Pambansa.

Ferndale Homes
21 Agosto 2013 

Reference/s:
https://www.facebook.com/notes/komisyon-sa-wikang-filipino/sino-sino-na-ba-ang-umayaw-sa-filipinas/192559224248517