Ngayong National Arts Month at panahon ng mga puso, nananawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad na palawigin ang pagtangkilik sa lokal na kultura at sining sa pamamagitan ng pagtatag o pagpapalakas ng kani-kanilang mga local culture and arts councils.
“Ang kultura at sining ang puso at kaluluwa ng ating bayan. Pinanatili nila ang ating kasaysayan at nagsisilbing tulay sa ating kasalukuyan at hinaharap. Itinatampok nila kung ano ang tunay na talento ng mga Pilipino,” pahayag ni Ano.
Bawat rehiyon sa bansa ay may angking kultura at sining na nagpapakilala sa lokal na turismo at minumulat ang mga tao sa kasaysayan ng kanilang lugar,“ paglilinaw nito.
Ayon sa DILG, ang Local Culture and Arts Council ay pamumunuan ng local chief executive habang ang mga miyembro nito’y may kinatawan mula sa local historical society, grupo ng mga artist, negosyante at sektor ng mga dalubhasa, at katutubo.
Ang konseho ang mangangasiwa sa paghahanda ng taunang plano sa kultura, sining at pamanang lahi na alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) for Culture and the Arts na isasama naman sa local development plan at maging sa taunang ordinansa kaugnay sa pinaglalaanan ng pondo.
Ang konseho rin ang mangunguna sa mga aktibidad na may kinalaman sa kultura tulad ng cultural festivals, competition, lectures, seminars at symposia.
Ang konseho rin ang magdedeklara at mangagalaga ng heritage zone ng local government unit (LGU) alinsunod sa Republic Act No. 10066 o ang National Cultural Heritage Act. Ayon sa batas na ito, ang heritage zone ay isang historical, anthropological, archaeological, artistic geographical area o setting na mahalaga sa kultura ng bansa.