Sa pangunguna ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); at Pambansang Lupon para sa Pagpapaunlad ng Aklat (National Book Development Board – Philippines), isinasagawa tuwing buwan ng Abril ang Buwan ng Panitikan alinsunod sa Proklamasyon Bilang 968 na nilagdaan noong 2015.

Ngayong taon, ipinagdiriwang ang Buwan ng Panitikan 2024 na may temang “Ang Panitikan at Kapayapaan” na may layuning magbigay daan sa malayang pagtalakay kung ano ang mga kahalagahan at kontribusyon ng panitikan sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng kapayapaan sa bansa at sa mga komunidad. Sa pamamagitan nito, lalong mapagyayaman ang diskurso sa konsepto ng kapayapaan at maipararating sa mamamayang Pilipino ang papel ng panitikan sa lipunan.

Sa mga nakalipas na taon, ang Buwan ng Panitikan ay ipinagdiriwang na sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, at lalong pinalawak pa sa pamamagitan ng mga opisyal na online platforms. Bunsod ng mabisang pakikipagugnayan sa iba’t ibang institusyong pansining at pangakademiko, gayun din ang iba pang organisasyong nagtataguyod ng panitikan, patuloy na dumarami pa ang bilang ng mga grupo na nakikiisa sa nasabing pambansang selebrasyon.

Kaya samahan kaming muli sa isang makabuluhang pagtuklas sa mundo ng panitikan para sa kapayapaan, at kapayapaan mula sa panitikan.


Ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ngayong taon ay may sumusunod na layunin:

  1. upang hikayatin ang pagtataguyod ng mga bagong anyo ng panitikan, ideya, at ekspresyon sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga forum/seminar,
  2. upang makatuklas ng bagong mga sining-panitikan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga palihan at pagtatanghal kung saan maaari nilang ipahayag at ipamalas ang kanilang mga likha at talento, at
  3. upang magbigay daan sa pagsasamasama ng mga katutubong kaalaman, mga tradisyon, at kasaysayan na siyang magiging batayan ng iba’t ibang mga anyo ng panitikan at mga aktibidad sa komunidad.

MGA PROGRAMA AT PROYEKTO NG NLM 2024

Sa pangunguna ng NCCA

UMPILAN Kongreso ng mga Manunulat at Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, Paz Marquez Benitez at Pedro Bucaneg

Ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ay magdaraos ng kanilang ika-49 na Pambansang Kongreso at ika-36 na Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa ika-27 ng Abril, Bulwagang Gimenez, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Quezon City. Ang UMPILAN ay forum o pagtitipon ng mga manunulat na siya ring kasapi ng samahan at mga kinatawan mula sa iba’t ibang grupong pampanitikan upang talakayin ang mga napapanahong isyu hinggil sa panitikan at lipunan.

Ang pinakamahalagang bahagi ng Pambansang Kongreso ay ang pagbibigay ng mga parangal: ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa mga manunulat na Pilipino; ang Gawad Paz Marquez Benitez para sa natatanging guro ng panitikan; at ang Gawad Pedro Bucaneg para sa natatanging grupo sa panitikan.

Reading the National Artists for Literature Series: NA Reads: Bien Lumbera and Levi Celerio

 

Ang Reading the National Artists for Literature Series ay serye ng seminar na nagtatampok sa mga natatanging Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at ang kanilang mga rebolusyonaryong kontribusyon sa larangan ng sining pampanitikan—na kinikilala at pinararangalan ng mga iskolar sa panitikan, manunulat, at kilalang personalidad sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga talakayan.

Ngayong taon, gugunitain ang mga likha ng mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Bien Lumbera at Levi Celerio sa pakikipagtulungan ng Bicol University. Bibigyang pugay rin ang Pambansang Alagad ng Sining na si Nick Joaquin sa pakikipagtulungan sa Pinoy Reads Pinoy Books sa ika-4 ng Mayo sa Metro Manila bilang paggunita sa kaarawan ng Pambansang Alagad ng Sining.

NA Reads Nick Joaquin

 

Timpalak Florentino H. Hornedo: Ang Paglikha at Pag-awit ng Laji (Bersyong Onlayn)

 

Ang Timpalak Florentino Hornedo ay isang timpalak sa onlayn na gaganapin sa lalawigan ng Batanes. Naglalayon itong hikayatin ang mga kabataan sa pagsulat at pag-awit ng tradisyunal na anyong pampanitikan ng mga Ivatan na tinatawag na laji.

Ang timpalak ay iniimbitahan ang mga mag-aaral ng Batanes, ang kategorya ng pag-awit ay bukas para sa mga elementaryang mag-aaral, at ang kategorya ng pag-awit at pagsulat ay bukas para sa mga sekundaryang mag-aaral.

 

Timpalak Komposo: Komposo Festival: Sambuwa Sa Pagsulat Kag Pagkanta Sang Komposo

 

Ang Timpalak Komposo ay paligsahan at palihan na muling bubuhay, magtataguyod, at magpapayabong sa tradisyon ng komposo. Ang komposo ay isang naratibong awit sa Hiligaynon na natatangi sa Kanlurang Visayas. Mayroon itong partikular na anyo at porma, at malimit na sinasaliwan ng gitara.

Kadalasang nagbabalik-tanaw ito sa kasaysayan, mahahalagang pangyayari sa isang pook, at mga kuwentong nagpapahayag ng danas o interes ng tao. Maaaring nasa porma ito ng komentaryo tungkol sa mga umiiral na isyu o pangyayari, politikal o ideolohikal na propaganda, at katalogo o talaan na nagbabatay sa heograpiya, taksonomiya, at mga gawain ng tao.

Para naman sa paligsahan, magiging bukas at malugod na tatanggap ng mga inobasyon sa melodiya, pagsasaayos, at saliw ng iba pang instrumento. Layunin ng paligsahan na hikayatin ang mga manugkomposo na panatilihin ang tradisyon at matagumpay na maisalin sa mga kabataan ang sining at pagtatanghal ng komposo.

Ligligan Poesyang Makuyad (Proverbsville Seminar and Literary Contest

 

Ang ligligan poesiyang makuyad ay dalawang-araw na online workshop sa pagsulat ng kuwento at tula para sa mga bata at isang paligsahan sa panitikan na eksklusibo para sa mga mag-aaral ng Proverbsville High School. Layunin nito na palaguin ang kakayahan sa pagsusulat ng panitikan ng mga kalahok gamit ang diyalekto ng Kapampangan.

Pistang PanitiKolab

Ang Pistang PanitiKolab ay pakikipag-uganayan o networking ng mga sampung (10) napili, aktibo, at mga bagong organisasyong pampanitikan sa bansa. Ito ay gaganapin sa Tanghalang Metropolitan kasabay ng pagdiriwang ng Kongreso ng UMPIL. Ang bawat grupo ay maaaring magpadala ng tatlong (3) kinatawan para dumalo sa UMPILAN. Ang mga grupo rin ay sasailalim sa resource-building upang mas mapalawak ang kolaborasyon sa iba pang grupo at organisasyon. Maglulunsad din ng fair na tampok ang mga zine, chapbook, aklat, at iba pang publikasyon ng mga kalahok na grupo, at maiikling talakayan tungkol sa aklat.

Bilang bunga ng Pistang PanitiKolab, sa pagtatapos ay sisibol ang pinakaunang Grupong LitKolab, ito ay panibagong grupo na aagapay at gagabay sa maliliit na grupong pampanitikan. Sa paraang ito higit na pupukaw ng interes ng publiko at mas magiging kasangkot sa mga gawaing pangkultura ang mga maliliit na grupong pampanitikan.

Sa pangunguna ng KWF

Araw ni Balagtas at Araw ng Parangal
 

 

Ang pormal na paglulunsad ng pagdiriwang ng Buwan ng Pambansang Literatura na ginaganap tuwing ikalawang araw ng Abril. Bilang paraan ng paggunita sa yumaong makata na si Francisco Balagtas, mga bulaklak ay iniaalay sa kanyang mga estatwa sa Orion, Bataan, Pandacan, Maynila, at Balagtas, Bulacan. Tatlumpung (30) maliit na punla ay ibinibigay din at itinatanim sa Hardin ni Balagtas.

 

Ang Araw ng Parangal ay iba’t ibang pagbibigay ng parangal sa iba’t ibang larang at anyo ng panitikan. Ito rin ay pagkilala sa mga napiling Filipino na mayroong natatanging kontribusyon sa panitikan.

Webinar Series

 

Isang serye ng webinar tuwing Lunes ng Abril na tumatalakay sa mga paksa na may kinalaman sa Panitikang Pilipino at sa pangkalahatang tema ng Buwan ng Panitikan 2024.

Tertulyang Pampanitikan

 

Isang online talakayan hinggil sa Panitikang Pilipino at kaugnay na mga paksa.

Tula Tayo

 

Ang Tula Táyo ay isang onlayn na timpalak sa pagsulat ng tula na nakatuon sa iba’t ibang anyo ng tula na may temang sumasaklaw sa karanasan noong pandemya at sa usaping kapayapaan at panitikan na tema ngayong Buwan ng Panitikan 2024.

Timpalak sa Tulang Senyas

 

Ang unang paligsahan na nagbibigyang-diin sa paggamit ng Filipino Sign Language (FSL) bilang midyum ng pagbabahagi ng tula. Layunin ng paligsahang ito na suportahan ang RA 11106, o ang Batas sa Filipino Sign Language ng Pilipinas, at lumikha ng isang lugar para sa  komunidad ng mga deaf and hard of hearing upang ipahayag ang kanilang mga talento sa larangan ng panitikan.

 

Sa pangunguna ng NBDB

Philippine Book Festival

Ang Philippine Book Festival ay isang book fair na nagsasanib sa edukasyon, libangan, at turismo upang bigyan ng panibagong pagtingin ang mga aklat na likhang Filipino at mga akademikong materyal. Sa pamamagitan ng mga palihan, eksibit, at pagbasa at pakikinig ng kuwento ay mapagtitibay ang paglalangkap ng salik ng edutainment na may layuning maitanghal ang aklat Filipino bilang dinamikong produkto na maaaring tangkilikin ng publiko, maging pelikula, o bilang produktong ipinagbibili. Ang pamamaraang ito ay tinatawag na “book experience” na naglalayong magbigay sa mga pamilya at kabataan ng panibagong paraan ng pagtangkilik at pagtingin sa mga aklat.

Share