Back to article list

February 02, 2004

JEMA M. PAMINTUAN

Sang-ayon sa paniniwala ng ilang kulturang Asyano, ginagamit ang pamamaraang regresyon para magkaroon ng impormasyon ang isang tao tungkol sa kaniyang nakaraang buhay. Isa umano itong batayan para makilala ang sarili, at tangkain itong iugnay at bigyang-lunan sa kaligirang ginagalawan. Kahit sa simpleng pagbabalik-tanaw lamang, maaari nang magkaroon ng katuturan at paliwanag ang pagkatao at kinahinatnan ng isang indibidwal. Sa pamamagitan ng ganitong dalumat ng paggunita, nakabuo si Lav Diaz ng naratibong tumugaygay at humamon sa sikolohiyang Filipino.

Limang oras at labinlimang minuto ang ginugol ng pelikula para iparating ang tema/mensahe nito sa manonood. Ang haba ng pelikula ay naging pangunahing dahilan kung bakit hindi ito ipinalabas ng alinmang teatro sa Maynila, maliban sa Glorietta 4 Cinema noong Enero 2002. Gayunman, ipinarating ng pelikula na hindi kailangang isakripisiyo ang kalidad nito para lamang makiayon sa mga patakarang pangkomersiyo ng industriya. Mahalagang maipunto na ang piyesa ay buo at hindi sumunod sa balangkas na episodic. Nararapat itong mapanood sa iisang upuan upang masundan nang husto ang mga pangyayaring sinuhayan ng maraming pagbabalik-isip at rekoleksiyon ng mga pangunahing tauhan.

Ang premis ng pelikula ay ang pagpatay kay Hansel Harana (Yul Servo), isang Filipinong migrante sa West Side Avenue, Jersey City. Si Juan Mijares (Joel Torre), isang Filipinong pulis sa New Jersey, ang namahala ng imbestigasyon. Sa pagsisiyasat at pag-ukilkil ng pulis sa kaso, makakaengkuwentro ang mga mahalagang karakter sa buhay ni Hansel. Ang kanyang inang si Lolita (Gloria Diaz), kasintahang si Dolores (Priscilla Almeda), Lolo Abdon (Ruben Pizon), at mga kabarkada ni Hansel. Ang kani-kaniyang kuwento ng mga tauhan ay nagsiwalat ng mga naging tunggalian at posibleng dahilan ng pagkamatay ni Hansel, batay sa naging ugnayan nila rito. Sa buong pagkilatis sa kaso, unti-unti namang nahaharap ni Mijares ang madilim niyang nakaraan, na wari’y nakahabi sa sinusundang misteryo ng pagkamatay ni Hansel. Nailantad din ang isang bersiyon ng buhay ng mga Filipino sa Amerika. Bagaman ang karaniwang turing sa Filipinong naghahanapbuhay sa ibang bansa ay masipag at matiyaga, kinatawan ng pelikula ang mga nasa laylayan ng komunidad sa Amerika, isang uri ng pamumuhay na nasadlak sa karahasan at droga.

Mainam na pag-ukulan ng pansin ang ilang teknikal na aspekto ng pelikula. Mahahaba ang kuha sa bawat eksena at bahagyang may kadiliman ang mga ito, na umakma naman sa panahon (taglamig), oras (halos sa gabi ginanap ang mga pangyayari) at mga lunang pinangyarihan. Instrumental ang kahabaan ng mga eksena para ipahiwatig ang isang larawan ng pamumuhay sa Amerika; ang pangungulila ng mga tauhan, ang tila pagbanat at paghila sa oras, at ang pakiramdam ng “lutáng na pagkalalang” sa dayuhang lupain. Bilang pantapat sa nakagawiang pag-edit at estetika ng mga pelikula, gumamit ng digital video na kinuha muli sa TV monitor para pagaspangin at makalikha ng mga linya sa mga imahen ng ilang eksena, partikular, ang mga pagbabalik-gunita at panaginip. Maaaring sabihing “krudo” ang pagkakagawa sa mga ito, gayunman, tila ipinapamalay ng ganitong estilo sa sinematograpiya na hindi kailangang tapyasin at kinisin nang husto ang mga eksena para maihanay bilang “tapós” at “kompleto.”

Ang kalamigan ng pelikula ay hindi lamang ipinakita sa pamamagitan ng niyebe, o sa makakapal na damit-panlamig na suot ng mga tauhan, o sa mga dominanteng kulay sa mga eksena—itim, asul, puti, at abo. Kimkim ng ilan sa mga karakter ang pagwawalang-bahala sa paglutas ng kasong pagpatay, kaya makakatas mula sa mga eksena na ang bawat isa, sa tuwiran o di-tuwirang paraan, ay may pagkakasala sa pagkamatay ni Hansel. Isa ito sa mga sentral na ideang mang-uusig sa manonood. Susulpot ang maraming katanungan, mula sa mga detalye ng kaso patungo sa higit na malaking saklaw ng lipunan, patungo sa usapin ng Filipino at kaniyang bansa. Sa kalaunan, hindi na ang identidad ng pumatay ang pagtutuunan. Mahihinuhang ang kamatayan ay ibinunga ng kawalang-pakialam at pagiging makasarili. Kung titingnan sa malawak na perspektiba, at kung iuugnay sa sitwasyon ng Filipinas, bawat Filipino ay may pananagutan sa kalagayan ng bansa. Ang pagluluksa dahil sa kamatayan, sa konteksto ng pelikula o sa paglalapat nito sa kasalukuyan, ay isang hakbangin para matanggap at mapakitunguhan ang dungis at salimuot ng pagkatao ng Filipino.

Samantalang nakaankla ang mga pangyayari ng pelikula sa kabuuang tema tungkol sa Filipino at bansa, nagsingit ng ilang detalye tungkol sa kasaysayan. Kinatawan ng tatlong karakter sa pelikula ang ilang masilakbong yugto ng historyograpiya. Si Lolo Abdon ay dating sundalo noong pananakop ng mga Hapon at si Juan Mijares ay dating pulis at isa sa mga nagtortiyur noong panahon ng Batas Militar. Inilarawan naman ng mga kabarkada ni Hansel ang street o gang wars, at pagkalulong sa shabu, na ginamit ng mga ito para magkaroon ng kapangyarihan at asersiyon sa komunidad. Naglaan ng pakabuluhan ang ilang eksena tungkol sa digmaan, hegemoniya, at terorismo.

Instrumental ang paggamit ng “pelikula sa loob ng pelikula” para maharap ni Mijares ang ilang diyablo ng gunita. Sa tulong ni Taga Timog, isang documentary filmmaker na tulad ni Mijares ay bumabaybay sa kasong pagpatay kay Hansel, nailantad ni Mijares ang totoo niyang pagkatao sa harap ng kamera. Bagaman walang direktang prehuwisyo ang pelikula na may kinalaman sa pagkakasala at pagsisiwalat ng “katotohanan,” mariin pa ring naiparating ang kahalagahan ng pag-ako sa kakapusan at pagkakamali. Maaaring ipinaaarok ng eksenang ito ang tungkulin ng pelikula bilang lunsaran ng sosyo-ekonomiko at pangkulturang karanasan ng bansa, at ang alagad ng sining ay kumukuha lamang ng materyal mula sa kaniyang paligid.

Gayunman, hindi didaktiko ang lapit ng pelikula para iparating ang mga nabanggit na isyu at simbolo. Wala itong inangking mga aral at dogma pero nagbigay pa rin ng pagkakataon para mapaglimian nang husto ng manonood. Walang mga sigawan, putukan ng baril, bugbugan, at hampasan ng gamit ang mga eksena pero damang-dama ang karahasan sa mga impit na pag-iyak, pagtiim-bagang at pananahimik ng ilang tauhan. Sa pangkalahatan, literal ding tahimik ang pelikula, dahil naging matipid ito sa musika. Higit na gumamit ng mga tunog tulad ng paglalakad, malalim na paghinga, pagpala ng niyebe sa mga daan. At taliwas sa nakasanayan sa ilang dulang pantelebisyon, itinanghal nang may katimpian ang mga damdamin tulad ng poot at hinagpis, at higit na naging mabisa ito para pukawin ang simpatiya ng manonood.

May ilan lamang maliliit na detalye na hindi lubusang nalinaw at nasuportahan ng mga pangyayari. Ang kagyat na pagiging malapit, halimbawa, nina Mijares at Taga Timog ay maaaring ipagtaka, gayong sa unang hati ng pelikula ay matindi ang galit ng pulis sa filmmaker. Hindi rin malinaw kung saan napunta si Hansel matapos siyang maglayas sa bahay ni Lolo Abdon, at bigla na lamang siyang sumulpot muli.

Hindi natuklasan kung sino ang pumatay kay Hansel, sa pagtatapos ng pelikula. Mahirap namang sabihing “bitin” ito, kahit walang simoy ng kaligtasan o kawalan ng pag-asang masasagap mula sa mga huling pangyayari. Dumidistansiya pa rin ito sa mga leksiyon at tuntunin, walang iginigiit ni ipinapalagay, pero nag-aanyayang ipagpatuloy ang mga pag-uusisa.

Share