February 09, 2004
RAMON P. SANTOS, PH. D.
Isang makasaysayang yugto na naman ang narating ng pananaliksik sa musika sa Asia nang idaos ng Asia-Pacific Society for Ethnomusicology ang isang simposyum na pinamagatang “A Search in Asia for a New Theory of Music” sa Sentro ng Seameo-Innotech, Lungsod ng Quezon, Filipinas noong 17-23 Pebrero 2002. Ang pangmundong palihan ay inorganisa ng Sentro sa Etnomusikolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas sa pamumuno ng may-akda nito na si Dr. Jose Maceda, isang sagisag ng kontemporaneong iskolarship at paglikha sa musika sa Asia.(1) Sa kaniyang paliwanag sa saligang banghay ng pagtitipon, tinurol ni Dr. Maceda ang paralelismo sa pagkatagpo ng kultura at agham sa renaissance sa Europa at gayon din sa pangkasulukuyang Asia. Inilapit niya ang mga ispesipikong aspekto na nangangailangan ng masusing pag-aaral at pagdalumat tungo sa kaalaman sa mga pundasyong pan-teorya sa mga kulturang pangmusika ng Asia. Una, ang mga estrukturang matematiko sa musikang pangkorte ng Silangan at Timog-Silangang Asia, na kumakatawan sa isang pilosopikong na ekspresyong kakaiba sa lohikang linear na siyang batayan ng musikang kanluranin Ikalawa, ang mga estruktura ng wika sa loob at katimugang Tsina, na kaugnay sa mga musikang pantinig Ikatlo, ang mga dimensiyong pangkultura ng kooperasyon at damayan sa paggawa sa lipunan, maging sa lungsod o sa kabayanan, na nailalahad sa palatunugan ng mismong musika na binubuo ng sari-saring kulay, orkestrasyon, habi, at mga konsepto ng panahon at mga patlang pantunugan.
Ang kabuuan ng simposyum ay masasabing isang obra maestra sa orkestrasyon na likha ni Dr. Maceda, na siyang kumalap buhat sa kalawakan ng pangmundong karunungang pang-aralin at sining, upang buuin ang isang holistikong talakayang naglalaman ng mga pulong na pinagtagni-tagni ayon sa isang progresyon ng iba-iba ngunit magkakaugnay na paksa. Ang ilan sa mga pangunahing tagapagsalita ay inanyayahan dahil sa kanilang mahahalagang kontribusyon sa karunungan sa larangan ng agham, humanismo, at pilosopiya sa Asia, bagama’t hindi pa sila gaanong kilala sa komunidad ng musika sa Asia. Kasama na rito sina Joseph C.Y. Chen, isang propesor ng Pisika sa UC San Diego; Yi-Long Huang, propesor ng astronomi at kasaysayan; Subhash Kak ng India, isang siyentipitista, makata, at iskolar sa Veda; Lawrence Reid, kilalang autoridad sa wika; at Kapila Vatsyayan, artista sa sayaw at manunulat sa kasaysayang pansining.
Bawat isa sa apat na araw ng talakayan ay hinati sa apat na pulong, at ang bawat pulong ay may dalawang tagapagsalita. Ang bawat magkaugpong na presentasyon ay sinusundan ng isang malayang talakayan na pinasisimunuan ng isang reaktor. Ang mga presentasyon, sa kalawakan at kalaliman ng kanilang mga tinukoy, ay hindi lamang nagdulot ng sari-saring dimensiyon sa usaping pangmusika, kundi nag-udyok din sa masisiglang palitan ng kuro, puna, at palaisipan.
Musika, Matematika, at Pilosopiya
Ang unang araw pa lang ay nagbadya na agad ng isang di-pangkaraniwang dating ng mga tampok na gawain sa buong kapulungan. Bukod sa pangunang tudling ni Maceda tungkol sa konsepto ng buong simposyum at ang pagdalumat ni Ramon Santos sa kontekstong pangkasaysayan ng Pangmuling Kamalayan (revivalism) at Modernismo sa panahon ng post-kolonyalismo sa Asia, ang mga presentasyon ay sumaklaw sa isang malawak na usapin sa agham at pilosopiya. Hinggil sa mga sinaunang panahon sa Tsina, isiniwalat ni Joseph Chen ang mga matematikong na pagsukat sa sistema ng tunog pati na ang relasyon ng tono at geometriya, na base sa ebidensiyang arkeolohiko mula pa sa panahong neolitiko. Inilahad naman ni Huang Yi-Long ang teorya ng pagsasa-isa ng musika, metrolohiya, at kalkulasyong kalendrikol, na tinangkang balangkasin sa utos ng ilang emperador noong mga unang panahon sa kasaysayan ng Tsina.
Ang konsepto naman ng bilog at parisukat na unang inungkat ni Dr. Chen ay pinag-ibayo pa ni Kapila Vatsyayan ng India, isa pa ring sagisag ng sining at kultura sa Asia. Ipinaliwanag niya sa kaniyang papel ang biyolohiyo at matematika bilang pundasyon ng teorya ng sining at kultura sa India. Doon, saan ang bilog, parisukat, at tatsulok ang siyang nagbibigay ng isang mahigpit ngunit malayang banghay sa pagbuo ng isang super-estruktura ng mga porma ng sining. Ang konseptong ito ay lalo pang nabigyan ng luwang ni Subhash Kak sa kaniyang pagtalakay sa kosmolohiya ng sinaunang musika sa India.
Ang papel ni Yi So-Ra ay tumalakay sa ugnayan ng iba’t ibang parte ng musika at ng kooperasyon sa paggawa na makikita at madadama sa iba’t ibang uri ng kantang pan-saka sa Korea: ang sangsa, jikyong, jijom, cha, at iba pa. Ang huling pulong ng unang araw ay nagtampok sa dalawang musikologo buhat sa Indonesia, sina Dr. Soedarsono at Sumarsam, na nagbahagi ng kanilang kaisipan, (ayon sa punto-de-bista ng mga artistang tagaganap) sa sinaunang gawing na musikal na pagbilang sa pagtuturo ng sayaw, at ang ikonograpiyang panlipunan sa musikang gamelan ng mga Habanes.
Musika at Wika
Ang pangalawang araw ay tumutok sa wika at musika, na karapat-dapat lamang na pangunahan ni Propesor Lawrence Reid na siyang naglahad sa isang komprehensibong mapa ng mga pamilya ng wika na nag-ugat sa Silangang Asia: ang Sino-Tibetan, Austro-Asiatic, Kradai, Hmong-Mien, at Austronesian, at ang kanilang dayakroniko at ebolusyonaryong pagkalat sa kalawakang rehiyon ng Asia. Sa kaniyang pagsisiwalat sa mga pantinig at karakteristikong tono ng mga nasabing wika, nakapagbigay si Dr. Reid ng isang mahalaga at pangkabuuang reperensiya para sa mga sumunod na talakayan tungkol sa mga estruktura ng iba’t ibang repertoryo ng kanta – tulad ng mga kantang pangkasalan ng mga Karen buhat sa Hilagang Thailand na inilapit ni Gretel Schwoerer-Kohl; ang relasyon ng titik at himig sa mga kantang-bayan ng mga Thai at H’mong sa Vietnam ni Dr. To Ngoc Thanh; ang mga ritmo ng mga kantahin sa kanayunan ng Ede, Giarai at Ca Dong sa Kalagitnaang Vietnam ni Propesor Le Thuan; at ang paksa ni Prop. Jaroenchai Chonpairot ukol sa proseso ng paglikha ng mga himig batay sa tono at patulang ritmo ng lam, ang pinakapopular na kantang pang-aliw sa mga naninirahan sa Hilagang-silangan ng Thailand. Dalawa namang papel na may kinalaman sa kasaysayan ang naiambag sa pangalawang araw: ang kuwento ni Propesor Tomoaki Fujii ng kaniyang pananaliksik sa musika sa mga Afganistani tulad ng Uzbek, Tadjik, Hazara, Pashtoon at Nooristani; at ang presentasyon ni Propesor Larry Hilarian Francis tungkol sa pagkalat ng instrumentong gambus mula sa Gitnang Silangan hanggang sa daigdig pang-musika ng mga Malay. Ang huling papel na inilahad ni Prop. Wang Yingfen na tumukoy sa kahalagahan ng binary ratio sa musika ng Nanguan (buhat sa Timog Tsina) ang siyang nagpasinaya sa paksa ng panahon at ritmo bilang tulay sa mga darating pang usapin sa pangalawang bahagdan ng buong simposyum.
Mga Elemento ng Musika at Simbolismong Panlipunan
Sa sumunod na dalawang araw, naisakatuparan ang mga nakaraang pinaksang teorya at pilosopiya bilang saligan ng mga konkretong ekspresyong pangmusika at pansining. Ang mga sumunod na talakayan ay pinangunahan ng pangalawang presentasyon ni Dr. Schwoerer-Kohl ukol sa impluwensiya ng pilosopiya ni Confucius sa musikang pangkorte ng Burma. Sa kaniyang pagbibigay pansin sa mga instrumentong bumubuo sa pangkatang hsaing waing, tinukoy ni Dr. Kohl ang simbolismo ng mga bato ng alahas na nakakalupkop sa mga balangkasin at sabitan ng mga ito. Ang iba’t ibang antas ng kanilang halaga ay kumakatawan sa herarkiya ng kapangyarihan sa korte ayon sa Nava Ratna. Ipinaliwanag din niya na ayon sa tradisyon sa Tsina, may kahulugan sa halagahan ang pagtatalaga ng pangkatan sa kanan o kaliwa ng korte. Sa kabilang dako naman, tinalakay ni Propesor Chun In-pyong ang pagkakahawig ng tala ng India ayon sa Natya Sastra at ng ritmo ng changdan na matatagpuan sa Yoengsanhoesang ng Korea (isang suite ng piyesa), na ginagampanan ng mrdangam at tabla (mga tambol) at ng changgu (tambol na may korteng hourglass).
Ang pangalawang sesyon ay nagtambal sa pangalawang papel ni Dr. To Ngoc Thanh at sa ambag ni Dr. Sam-Ang Sam, na pawang tumalakay sa kahalagahan ng dalawahan at apatang pagbilang sa gampanan sa mga musikang pangkorte sa Hue sa Vietnam at ng mga Khmer sa Kampuchea, pati na ang musikang pambayan ng mga nito. Sa pangalawang papel, inilahad ni Dr.Sam hindi lamang ang pormula ng pagpaparami ng mga bilang sa isang gampanan, kundi na rin ang kalaganapan ng bilang na apat sa iba’t ibang aspekto ng kultura ng Khmer—sa bilang ng sinisindihang kandila at insenso, sa bilang ng yukong pagbati, ang bilang ng mga pangunahing kabaitan, at ang pundamental na disenyo ng mga monumento ng Khmer na gawa sa bato tulad ng Angkor Thomm na siyang huling katangi-tanging templo na itinayo bago lumubog ang kaharian ng Khmer.
Ang mga sesyon naman sa hapon ng 20 Pebrero ay nagpokus sa mga musikang pangkabayanan ng Tsina, na pinamunuan ng pagtatangka ni Propesor Guangyu Feng na lagumin ang buong literatura ng kantahing pangkabayanan sa Tsina sa ilalim ng iisang banghay, base sa pormula ng himig, ng teksto at iba pang estruktura, pati na ang kanilang mga baryasyon ayon sa praktis ng magkakaibang grupong etnolingguwistiko. Sinundan ito ng mga pagsuri sa mga ispesipikong repertoryo ayon sa ugnayan ng wika at musika, pati na ang pangkalahatang impluwensiya ng kulturang Han sa mga ito— musika ng mga She, ni Prop. Lan Xuefei; mga kantahing-bayan ng Yulin Xiaoqu buhat sa kahilagaan ng probinsiya ng Shanxi, ni Prop. Liu Xiao Long; at ang mga kanta’t sayaw sa Tibet, ni Prop. Mao Jizeng. Tumawag ng pansin ang banggit ni Prop. Mao sa mga uri ng kantang binubuo ng isahang tono (tulad ng boxie) na naging punto ng masiglang palitan ng kuro tungkol sa gamit panlipunan nito—dasal ba o kantang pangmilitar?— habang nangingibabaw sa isipan ng lahat ang konteksto ng pangkasalukuyang relasyon ng Tibet at ng kabuuang Tsina.
Sintesis
Saksi ng huli at ikaapat na araw ng talakayan ang paglalagom sa mga pinakamahalagang punto ng palihan. Maaaninag ang isang kumpifigurasyong teoretiko na sumasaklaw sa mga musika sa Asia: mga pagbilang at matematika, wika at sintaks, pilosopiya at buhay panlipunan, at proseso ng pagsasakatuparan ng mga ito sa musika. Ang mga sesyon sa umaga ay nagtampok sa apat na magkakaugnay na pag-aaral. Ang Pangulo ng APSE na si Dr. Kwon Oh Sung ay nagsalita tungkol sa matematika na napapaloob sa Yeongsanhoesang. Tinutukan niya ang nakakatawag-pansin na koneksiyon ng proporsiyong algebrahiko sa guhit-larawan ng lotus (ang sagisag pangkawikaan ni Buddha), sa golden section, at sa mga papalaki at papaliit na mga bahagdan ng ritmo ng changdan (na nabigyan din ng mariing banggit ni Chun In-Pyong). Sinundan naman ito ng isang malalim na talakay ni Prop. Yuan Jingfang sa aspekto ng bilang sa ritmo ng Dianzi Luogu (musikang pam-perkusyon) na matatagpuan sa probinsiya ng Hubei. Ayon sa kaniya, may kinalaman ang mga ito sa mga aspekto ng buhay tulad ng kalkulasyon sa timbangan, sa mga tipon ng baraha, at disenyong grapiko.
Ang dalawang sumunod na presentasyon ay nagmula din sa Korea: ang una, na inihanda ni Prop. Sheen Dae-Cheol, ay tumalakay sa dalawang magkaibang katayuang pang-estetika sa dalawang tipo ng musikang pan-dambana na parehong nag-ugat sa Confucianismo: ang Munmyoak na halos walang pagtinag sa galaw, at ang Jongmyoak na may masiglang ritmo. Ang papel naman ni Prop. Lee Bohyung, Presidente ng Korean Discology Society ay nagdulot ng masusing kaalaman sa transpormasyong sintaktiko at semantiko sa praktis ng pansori at sanjo (mga musikang pantinig). Ang huling sesyon ay sinimulan ng isang sarbey ng musikolohiya sa Korea ni Mi-Sun Lim; at ang buong simposyum ay binigyan ng angkop na pagtatapos ng talakay ni Prop. Jonas Baes ng Filipinas tungkol sa isyu ng kusa at pagtalima sa “batas” ng teorya sa mismong sandali ng pagganap sa musika. Tinawag niya itong “structuration” sa pagsuri niya sa tatlong uri ng musikang pantinig sa tradisyong oral sa Filipinas. Ang mga pagliming pahayag tungkol sa mga natamo ng simposyum ay sinuma ng huling pangungusap ni Dr. Kapila Vatsyayan. Binigyan niya ng diin ang napaluwang na perspektiba ng etnomusikolohiya kaugnay ng antropolohiya at ang tatluhang relasyon ng tao, ng teoria at ng tunog ng musika.
Ginampanang Musika at Praktis
Sa paksa ng “tunog ng musika,” bawat araw ng matinding pagpapalitan ng mga palaisipan at kurong pilosopiko ay nagtapos sa aktuwalisasyon ng teorya sa praktis ng musika. Sa panimulang piging pa lamang (na naidulot sa kagandahang-loob ng Pangulo ng UP Dr. Francisco Nemenzo Jr.) ay nasaksihan at naranasan na ng mga kalahok ang ilang halimbawa ng tatlong repertoryo ng katutubong musika sa Filipinas na ginampanan ng mga pangkat ng Ibaloy Liyah, Kalinga Pasiking, at Maguindanao kulintangan. Kakaiba sa dinamiko at makakalikasang agay-ay na nilikha ng mga grupo buhat sa Filipinas, ang naging dating ng unang konsiyerto sa Abelardo Hall Auditorium ng Kolehiyo ng Musika ng UP nang itanghal ang isang programang klasiko ng kilala-sa-mundong Pangkat ng Huong Giang Arts buhat sa Instituto ng Sining sa Hue, Vietnam. Ang mga piyesa ay binuo ng repinadong musika sa korte, musika ng aristokrasiya, pati na ng mga kantahing-bayan na ginanap na mga artista, taglay ang nakakaaliw at nakabibighaning kakusaan.
Ang pangalawang gabi naman ay naglahad sa di malimit matunghayang pangkat ng hsaing waing ng bansang Myanmar. Ang grupo ay may limang kasapi, pawang tumutugtog ng mga naiibang instrumento tulad ng pat waing, isang set ng 20 na papalaking tambol; ang maung zaing, parektanggulong hanay ng mga gong na may umbok; ang hne, doble-kanyang torotot; ang tambol na korteng bariles na tinaguriang patma; at iba pang perkusyong yari sa metal o kawayan – na may pangkalahatang timbang na humigit-kumulang sa 300 kilo. Ang nakakamanghang musika at estilo ng pagganap ng hsaing waing ay nagpakilala sa iba’t ibang komposisyon, buhat sa kanta ng kabanalan gaya ng En-daw (relikyang ngipin ng Panginoong Buddha) at Na-te-ban-da-bwe (Dakilang Nirvana); hanggang sa mga kantang panseremonya at sekular tulad ng Chit Tha Mya Ko (pagpapadama ng aking pag-ibig). Ang mga piyesang ginampanan ay pawang katha ng mga prinsipe na napanganak sa loob ng ika-19 dantaon.
Sa pangatlong konsiyerto ay itinampok ang pangkat Pin Peat ng Maharlikang Unibersidad ng Sining (Royal University of Fine Arts) ng Kampuchea, na pinamumunuan ni Dr. Sam-Ang Sam, batikang manunugtog ng sralai (apatan-kanyang torotot) at tror (dalawahang-kuwerdas na biyolin), at isang pangunahing autoridad sa musika ng Khmer. (Isa rin siyang dating estudyante ng Kolehiyo ng Musika ng UP bago siya nagpakasanay sa musikolohiya sa Estados Unidos.) Ang pangkat, binubuo ng 6 na musiko ng korte at mga guro, ay nagtanghal ng isang programa ng mga komposisyon buhat sa korte at kabayanan ng Cambodia, na ginanap sa estilong Tsino, Tay at Habanés.
Noong 21 Pebrero, itinaguyod ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ang huli at katangi-tanging konsiyerto na isinagawa sa Tanghalang Aurelio Tolentino. Itinampok dito ang tatlong pangkat buhat sa kontinente ng Timog Silangang Asia, kasama ang pangkat buhat Filipinas—ang Maguindanao Kulintangan sa pamumuno ni Kanapia Kalanduyan. Sa isang nakayayanig-damdaming tugtugan at kantahan na nagparinig sa ilang halimbawa ng pinakamahalagang musikang tradisyonal sa Asia na ginampanan ng pinakatampok na artista sa rehiyon, natamo ng simposyum ang isang maningning na pagtatapos, sa puntong ang apat na araw ng puspusan, marubdob, at masalimuot na talakayan tungkol sa teorya at pilosopiya ng musika sa Asia, ay umaapaw na napanindigan at nabigyan ng katuparan, nang umilanglang ang mga ito sa mga musikang ginanap, at nagpatunay na bagama’t ang mga nasabing musika ay may daan-daan taong nakalipas na kasaysayan, nananatili pa rin silang buhay at mataginting na simbolo ng madiwa, makulay at malikhaing pamumuhay sa kontem-poraneong lipunan ng Asia.
Estruktura, Ekspresyon, at Pangkasalukuyang Lipunan
Ang kabuuan ng pagliliming ito ay hindi magiging ganap kundi bibigyan ng pansin ang ilang isyu na umusbong tungkol na rin sa naging ugali at kahalagahan ng buong pangyayari sa larangan ng pangkasalukuyang katayuan ng aralin at karunungan sa larangan ng agham, pisika o panlipunan, at kasiningan at humanidades. Sa makabagong alituntunin sa larangan ng antropolohiya halimbawa, ang simposyum ay lumikha ng sariwang hamon sa gitna ng mga umiiral na parametro at prinsipyo ng pag-aaral at pagsusuri sa panahon ng post-modenismo.
Ang gabundok na impormasyon na nakalap ng kumperensiya ay nagdulot ng kaalaman tungkol sa mga kultura at musika sa Asia na nanatiling buhay ngunit natago sa liblib ng kabihasnan sa loob ng daan-daang taon ng kasaysayan ng kolonisasyon at modernismo. Sa pangunang yugto pa lamang ng talakayan, tahas na pinuna ni Kapila Vatsyayan ang pamagat ng simposyum: “Bakit ‘bagong’ teorya ng Musika at hindi ‘sinaunang’ teorya ng Musika sa Asia?”
Ang puntong ito ay hindi lamang nagbuklat sa isang maselang isyu sa kaalamang interpretatibo. Nagbigay-diwa dinito sa posibleng bagong pag-ugatan ng mga susunod pang tangka at hakbang sa larangan ng pananaliksik sa musika sa Asia. Bagama’t nailawan ng kumperensiya ang mga estruktura ng musika at natatanging pagkaugnay ng mga ito sa palaisipang panlipunan at pangkulturang Asyano, ano ngayon ang magiging katuturan ng kaalamang ito sa pangkasalukuyang praktis ng musika sa Asya? Mananatili ba itong teorya o ito na ang itatayang batayang banghay sa mga lilikhain at uugaliing ekspresyon sa Asia?
Ang isang sulok ng aralin na hindi gaanong nabigyan ng tuon sa lawak at lalim ng paksaing estruktural ng simposyum ay ang relasyon ng lumipas na paniniwala at kultura sa kontemporaneong asal at malikhaing imahinasyon na hinubog ng daan-daang taong namagitan sa sinaunang “kahapon” at dinamikong “ngayon.” Bagama’t sistematikong nadakip ng talakayan ang nakaraang kabihasnan sa ligid ng musika, hindi nito gaanong naipamalas ang pagiging dayuhan o di-dayuhan nito sa pangkasalukuyang pamumuhay sa Asia. Hindi rin gaanong naipahiwatig ang ilang pamamaraan kung papaano pagdudugtungin ang minanang teorya sa pagiging isang kagamitan, o ihahalo ang katotohanan sa lumipas na búhay at ang metapora sa buháy na panahon.(Geertz, 1983)
Sa ilalim ng paksa ng etnograpiya ng makabagong palaisipan, ang kumperensiya ay nakapag-ambag ng makayanig-damdaming kaalaman sa kalakhan at lawak ng palaisipang pangkultura at pangmusika sa nagdaan o naimbak na kabihasnang Asyatiko. Sa tulong ng simposyum, ang paglikom ng kaalamang ito ay isa nang tapos na hakbang sa proseso ng pagtugon sa hamon ng kontemporaneong palaisipan—na malawak sa dunong, ngunit masalimuot at walang patumanggang naninimbang sa gitna ng katotohanan at pagbabago. Sa nabanggit na nga sa papel ng may-akda na naiambag sa simposyum, ang paghahanap ay hindi natatapos sa kaalaman, kundi sa pagtuklas ng interkoneksiyon ng makabagong rasyonalidad, damdamin at ideolohiyang pangkultura sa pre-kolonyal na antigedad. (2)
Sa ganitong usapin, mahaba pang landas ang kailangang tahakin. Samantala, isa na marahil uri ng panimulang interkoneksiyon ang pangkalahatang damdamin ng pakikibahagi sa iisang identidad—ang pagiging Asyano. Sa puntong ito, totoong naging walang kapantay ang halaga ng simsposyum tungo sa pagtatamo ng karunungan tungkol sa kasarinlang Asyano, na ang abot ay lampas-lampasan sa mga hangganan ng panahon, kasaysayan, at kabihasnan.
TALA
- Ang pagpaplano sa simposyum ay unang isinagawa sa Tanggapan ni Tsanselor Emerlinda Roman ng UP Diliman at sinundan ng pag-endoso ng Tanggapan ni Dr. Francisco Nemenzo Jr, Pangulo ng UP System. Ang mga pangunahing ahensiya na nagbigay ng tulong pinansiyal ay ang Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining sa pamumuno ni Jaime C. Laya, ang Rockefeller Foundation, ang Japan Foundation, ang Asian Cultural Council, at ang International Music Council kaakibat ang UNESCO.
- Hango at salin sa sipi: “It will therefore depend on the collective will of Asian societies as well as affirmative actions such as the present conference, to pursue in earnest what has been auspiciciously started – a continuous search for interconnections between modern rationality, sensitivity, and cultural ideologies and pre-colonial antiquity.” – buhat sa papel Ramon P. Santos. “Revivalism and Modernism in the Musics of Post-colonial Asia”, 2002.